Tuesday, March 24, 2009

Manny Pacquiao, Umamin na "Niloko" siya ng Dos at Tinuruan ng Sasabihin sa TV

Parang isang soap opera ang gulong kinasasangkutan ni Manny Pacquiao na nag-ugat mula sa naging pahayag niya na ilipat ang coverage ng kanyang laban sa Dos mula sa Solar Sports at Siete. Nagsanga-sanga na ang mga kuwento. Kung akala natin ay nagtapos na ito ng happy ending, yun pala ay hindi pa natin nakikita ang climax dahil ngayon pa lang lumalabas.

Ang huling balita sa "teleseryeng" ito ay nagpahayag si Manny na siya ay niloko ng Dos kaya nakuhanan siya ng statement na ipinalabas nga sa TV Patrol. Hindi lang iyan, isiniwalat din niya na ang mga abogado ng Dos ang nag-coach sa kanya sa mga sinabi niya sa TV.

Kaya ba naging magaan lang o simple lamang ang ginawa ng ABS CBN na pahayag, nang bumalik si Manny muli sa kandungan ng  Solar Sports at GMA 7? Kaya ba sinabi nila na nirerespeto nila ang desisyon ni Manny na hwag na sa Channel 2 ang coverage dahil alam nilang wala silang hahabulin?

Akala ko pa naman ay  naging magaling ang Dos sa paghawak ng isyung ito at sila ang naging malinis at professional ang approach sa mata ng tao, pero mukhang sila na ang kontrabida uli, huh.

Pero sandali, hindi kaya itong si Manny ay pilit na rin gumagawa ng kwento dahil napagtanto na hindi ito nakatulong sa hangarin niyang tumakbo bilang Congressman ng Saranggani? Baka naman attempt din ito ni Manny to save his ass? Hindi kaya? Pero sa aking nakikita, lalong nadiin si Manny sa bago niyang pahayag. 

CHRONICLE OF EVENTS

Bago tayo pumunta sa aspetong iyan, balikan natin ang mga pangyayari:

Una, lumabas si Manny sa TV Patrol para sabihin na inililipat na niya sa Dos ang coverage ng laban niya kay Hatton at mga susunod pang laban niya. Sinabi ng Dos na si Manny ang lumapit sa kanila upang ialok ang coverage na tinanggap naman nila ng maayos. Sabi rin ni Manny na personal niyang desisyon ang paglipat ng network.

Pangalawa, umalma agad ang Solar Sports at GMA 7. Ayon sa Solar Sports, may kontrata si Manny sa kanila na ang Solar ang may karapatan sa video ng laban hanggang 2011. Hindi raw nakipag-usap ng maayos sa kanila si Manny. Hindi rin daw basta-basta ganun na lang ang pagte-terminate ng kontrata. Sabi naman ng Siete, may exclusive contract si Manny sa kanila kaya hindi siya pwede lumabas sa anumang non-GMA shows. Nanganib si Manny at ang Dos na idedemanda sila ng Siete at Solar Sports.

Pangatlo, nagpalabas ng pahayag si Manny na hindi siya nababahala sa mga banta ng mga demanda. Sabi pa niya na meron na raw umaayos na mga lawyer tungkol dito. Nagpalabas naman ng statement ang Dos na wala silang inaapakang kontrata sa Solar Sports. Dagdag nila, hindi na cover ng kontrata ni Manny sa GMA ang pagpapalabas nila ng laban niya kay Hatton dahil hindi ito programa ng Kapuso Channel.

Pang-apat, nanindigan ang Solar Sports na sila ang may karapatan sa coverage at talagang magdedemanda daw sila. Nagpahayag din ang GMA na mali ang Dos dahil kahit hindi GMA ang producer ng Pacquiao-Hatton fight ay exclusive talent nila si Manny na hindi pwedeng lumabas sa kahit anong show ng ibang network.

Pang-lima, nagpahayag si Manny na naiintindihan na niya ang kontrata niya sa Solar Sports at GMA 7 nang siya ay kausapin ng mga executives ng Kapuso at Solar Sports. Kaya nagdesisyon siya uli na ang coverage ay mananatili sa Solar Sports at ipapalabas sa Siete. Humingi siya ng paumanhin at inamin na nagkamali siya. Nagpadalus-dalos.

Pang-anim, nagpalabas ng statement ang Dos na nirerespeto nila ang desisyon ni Manny at nagpahayag na hindi sila maghahabol. Susuportahan pa rin daw nila ang boksingero sa kabila ng pagbawi nito.

Pampito, isiniwalat na nga ni Manny na niloko siya ng Dos upang magbigay ng interview na napanood natin sa TV Patrol World. Sabi niya na ang interview na iyon ay dapat ipalabas lang kung mapatunayan na hindi tumupad ang Solar Sports sa kontrata nila. Pero inamin ni Manny na wala daw hindi tinupad ang Solar Sports kaya niya pinapatigil ang Dos na hwag nang ipalabas pa ang video ng kanyang interview.

BACKFIRE ON MANNY AND DOS

O di ba, ang gulo-gulo na nito? Kung totoo nga ang huling pahayag ni Manny na niloko siya ng Dos, ito na ang sinasabi ko dito na pagka-agresibo ng Channel 2 dahil lang sa ratings. Naku, credibility ng Dos ang nakasalalay kung totoo nga ito. Pero mukhang hindi naman naapektuhan ng masyado ang Kapamilya network kahit marami na silang instances na nalagay sa alanganin. "Whatever it takes" na ba talaga ang rule sa lahat ng department ng Kapamilya? 

Balik tayo sa sinabi ko, lalong nadiin si Manny sa isyung ito kahit umamin siyang tinuruan lang siya ng Channel 2. Sa kabila nito, naniniwala ang Siete Contra Dos na hindi magbabago ang pagtingin ng mga tao kay Manny dahil para na rin niyang inamin na ang "bobo" nga niya - na madali siyang masulsulan tulad ng sinabi namin dito.

Sabi ko na nga ba na noong mapanood ko si Manny sa TV Patrol World, alam kong may mali sa mukha niya. Alam kong hindi siya  masaya. Kaya Kuh Chara, paano ko hindi ibe-blame ang Dos kung tama nga lahat ang nababasa at napapakinggan natin from Manny?

Naku, lumalayo na naman tayo sa topic. Anyways, sa naging huling pahayag ni Manny, lumilitaw na ang ugat ng lahat ng ito ay pera. Akala ko ba naman mayaman na ito si Manny pero mukhang naghahabol pa rin siya sa pera? Pero karapatan naman niyang maghabol kahit mayaman nga naman siya dahil pinaghirapan din naman niya ito.

Malinaw na nag-isip si Manny na niloko siya ng Solar Sports. Malinaw na inisip niyang may breach of contract na ginawa ng kumpanya ni Wilson Tieng kaya siya lumapit sa ABS CBN. Ang Dos naman ay nag-offer nga ng serbisyo na imbestigahan ang reklamo at kung may breach nga ang Solar na mapatunayan ay ilipat na ni Manny ang exclusive coverage sa Dos.

Hindi pa man nagsisimula ang Dos sa imbestigasyon nila ay kinunan na nila si Manny ng pahayag na lumilipat na nga siya sa Channel 2. Pumayag si Manny  dahil akala niya ay ipapalabas ito sa TV Patrol World kapag mapatunayan na nagkasala ang Solar. Pero hindi pa man napapatunayan ay inilabas na ng Dos ang video at sinabi na nila, as defense, na walang silang nilalabag na kontrata.

Dahil napaliwanagan si Manny na walang sinira ang Solar Sports sa kasunduan nila, nagmukhang kontrabida na ngayon ang Dos.

Ang kasong ito ay hindi makakatulong sa career ng Dos at ni Manny.  Iisipin ng mga tao na manloloko ang Channel 2 at si Manny ay walang sariling desisyon, madaling magpabuyo, madaling maloko at padalus-dalos ng aksiyon. Paano siya iboboto ng mga botante sa Saranggani kung ngayon pa lang ay nakikita na nila na kulang sa kapasidad ang boksingero na maging isang pinuno na may paninindigan, isang salita at layunin?

Curious lang ako, kung kayo ba ay botante ng Saranggani, iboboto niyo ba si Manny sa kabila ng lahat ng ito?
Get free website for your blog

Click here to VOTE

Name:
Email Address:
Tell us your message:

create form

EX-LINK

Do you want an ex-link with my site? Just add my blog in your site and leave me a message. If I see my blog is included in your list, I will definitely add yours. Let's share!

  ©Template by Dicas Blogger.

TOPO