Epekto ng Pagiging Agresibo ng Dos
Isang sensitibong paksa ang ating susubukang gawan ng opinyon sa blog entry natin sa ngayon. Sensitibo ito para sa mga tinatawag na loyalists ng Siete at Dos pero wala lang o "pakialam ko dyan" attitude naman para sa mga walang kinikilingan in the service of the Filipino people. O di ba, ma-incorporate lang ang taglines ng dalawang istasyong magkaribal kaya kahit ano na lang ang maisulat ko? Huh!
Anyways, nabalitaan niyo na siguro ang tensiyon na namagitan sa dalawang magkalaban na showbiz talkshows tuwing Linggo sa burol ni Francis Magalona. Ang Showbiz Central at The Buzz ay nagpang-abot sa Christ The King Chapel ng Green Meadows noong 8 March 2009 na maaring nasaksihan ninyo sa TV screen niyo habang pinapanood ang The Buzz. Habang ini-interview ni Kris Aquino ng live ang na-biyuda ni Francis M. na si Pia Magalona, makikita ang staff ng Showbiz Central sa likod nila. Si Pia Guanio naman ng Showbiz Central ang naunang nag-interview ng live kay Pia M.
Matatandaan na habang nakasalang si Pia M. at Pia G. sa show na SC, biglang dumating daw ang staff ng The Buzz sa pangunguna ni Kris Aquino. Nagulat ang pamilya Magalona sa kanilang pagdating dahil maaga pa raw ay tinanggihan na nila ang interview sa naturang show. At para maiwasan ng SC na mag-krus ang landas nila with Kris and The Buzz, natagalan tuloy ang interview kay Pia M. ni Pia G. pero pinakiharapan pa rin daw ng asawa ni Kiko si Kris sa pakiusap ng anak niyang si Maxene na una nang kinulit ng staff ng Dos para ma-interview.
Ang tanong, bakit pa rin nagpunta ang staff ng Dos kung tinanggihan na pala sila ng pamilya ng namatayan?
Malinaw na minumulto ang Dos ng sarili nitong multo.
Kung babalikan natin ang mga kaganapan sa showbiz, ang Dos ang nagpasimula ng exclusivity sa mga coverage ng mga events ng mga talents nila. Sila rin ang nag-umpisa na ang isang artista ay maging exclusive para sa network lang nila.
Noong namatay si Rico Yan noong 2001, naalala ko pa na ginawa talaga ng Dos na exclusive ang coverage sa kanila lamang at binantayan talaga ang burol ni Rico. Meron pa ticket noon para malimitahan o maharang ang dapat maharang noong panahon na iyon. Walang nagawa ang Siyete kundi irespeto ito.
Ngayon naman na talents ng Siete ang namatay sa katauhan nina Marky Cielo at Francis Magalona, nakita natin ang pagkakaiba. Hindi ginawa ng Siete ang ginawa ng Dos. Hindi nila ginawang exclusive ang coverage at hinayaan nilang makakuha rin ng footage ang Dos. Though, natural na priority ang Siete.
Ngayon dahil mas marami ang mga kaganapan involving the talents of Siete, nagiging aggressive ang Dos para mapantayan o maunahan sa coverage ang kalaban. Hindi lang sa pagkamatay nina Marky at Francis kundi sa coverage na rin kay Manny Pacquiao kung saan naging kontrobersiyal si Dyan Castillejos.
Natural lang na layunin ng Dos ang makakuha ng istorya sa mga kaganapan na ito dahil maiiwan sila sa ratings kung hindi sila magpalabas ng balita tungkol sa pinaka-mainit na isyu. Naiintindihan ko iyan dahil nagtrabaho rin ako sa ganitong environment. Dahil hindi nila talents ang mga involved, dito na sila minumulto sa sariling multo na ginawa nila.
"Whatever it takes" na raw yata ang batas ngayon sa lahat ng programa ng Dos ayon sa isang kaibigan na nagtatrabaho sa media. Walang dudang mas aggressive ang Dos kaysa sa Siete dahil iba nga naman daw kapag nauuna ka sa isang balita. Nakakadagdag daw iyan ng popularity at followers ng isang show. I totally agree and all of these are in the name of ratings.
Pero dahil sa pagiging aggressive, maraming bagay ang nakakaligtaan na obserbahan - ito ang mga maliliit na bagay na dapat igalang. Dahil sa pagiging aggressive masyado ay nakakalimutan na natin ang salitang respeto.
Sa kaso ng Dos, alin ang mga bagay na ito? Una na dyan ang hindi pag-intindi ni Dyan na dapat iniiwan din sa Manny Pacquioa na mag-isa para makapagpahinga mula sa laban sa boxing. Ang ginawa ni Dyan ay talagang binantayan niya ang mga pagkakataon para makalapit siya kay Manny.
Pangalawa na dito ang pagkuha at pagpapalabas sa mukha ni Marky habang nasa kabaong sa kabila ng paki-usap ng ina. Nandyan din ang kaso sa Aquafest sa Camarines Sur kung saan nakuhanan ng Dos ang kissing scene nina Carla Humphries at Raymond Gutierrez. Bawal na raw noon ang camera sa oras na iyon sa lugar na iyon pero nagpumilit daw ang Dos. Hindi sila sumunod sa patakaran. At ang huli nga ay ang pagsugod pa rin ni Kris Aquino sa burol ni Francis kahit wala na silang appoinment.
Sa The Buzz, sinabi ni Kris on air nang tanungin siya ni Ruffa kung nakausap na ba niya ang asawa ni Francis na "hindi pa at idinugtong nga niya na kailangan daw nila i-respeto o intindihin ang katotohanan na si Kiko ay nagtrabaho sa Siete kaya nasa kanila ang istorya at exclusivity."
Pero bakit pa rin sila nagpunta sa burol kung ganun pala ang sitwasyon at nasabihan naman na sila in advance?
Isang lang ang gusto namin tumbukin dito, hindi masama na maging aggressive ang Dos sa pagkuha ng balita pero dapat sa kabila nito ay igalang pa rin nila ang mga maliliit na bagay na dapat igalang. Walang masama sa pagiging aggressive pero alam din dapat ng Dos na mag-preno kapag kailangan.
Noong umpisahan ng Dos na ipatupad ang exclusivity ng isang bagay, hindi yata nila na-foresee ang epektong ito. At para maresolba itong negative effect na nito sa kanila, natuto silang maglaro aggressively pero isang problema na naman ang naisilang - iyang ang pagkawala ng salitang respeto sa gitna ng laro.
I want to hear your piece here.