Bakit Kumikita Karamihan ng Pelikula ng Star Cinema?
Bumalik ang Star Cinema sa kanilang nakagawian na magpalabas ng kita ng kanilang pelikula sa mga unang araw nito sa mga sinehan pagkatapos hindi ito gawin sa unang offering nila sa taong ito, ang pelikulang pinagtambalan nina Angel Locsin at Piolo Pascual.
Ang T2 na pinagbibidahan ni Maricel Soriano ang pangatlong pelikula nila sa taong ito. Ayon kay Mico del Rosario ng Star Cinema, kumita ang pelikula ng 28 million pesos sa loob lang ng dalawang araw - noong Sabado Gloria at Easter Sunday kung saan walang pasok sa mga opisina at paaralan.
Magandang balita ito lalo na sa namamatay na nating movie industry pero ang katanungan namin dito sa Siete Contra Dos, anong sekreto meron ang movie arm ng Dos para kumita halos ang kanilang ipinapalabas sa takilya na hindi nangyayari sa ibang production companies katulad ng Regal at GMA Films. Ibig sabihin nito ay meron talagang formula ang Dos na hanggang ngayon ay epektibo.
Kung tutuusin, mula sa mga press release ng Dos, lahat ng kanilang pelikula ay kumikita ng triple o mas mataas pa sa kanilang expenses. Ang Land Down Under lang yata nina Angel at Piolo ang hindi gaanong kumita at ang performance nito sa box office ay parang performance ng mga pelikula ng Siete at Regal ayon na rin sa sariling salita ng isang kaibigang nagsisilbi rin naming Pusang Gala.
Sa aming pakikipag-usap sa isang kaibigan, maaring isang dahilan ay established na ang pangalan na Star Cinema kaya kapag narinig ng tao ay maeenganyo silang manood. Pumasok kasi ang film outfit na ito few years bago magsimulang tumamlay ang pelikulang Pilipino kaya malakas pa rin ang recall ng kumpanya sa mga tao.
Dagdag niya na maliban sa bagay na iyan, posibleng may iba pang mas mabigat na dahilan at nasa marketing strategy daw iyan. Kaya naman tinanong namin siya na hindi ba pwede i-share ito ng Dos upang sa gayon ay sumigla uli ang movie industry at magkaroon uli ng trabaho ang maraming tao.
Natural lang na pinagtawanan kami. Afterall, business is business.