Manny Pacquiao, Hindi Masaya sa Siete; Inside Stories sa Isyu ni Manny sa ABS CBN
Mukhang hindi yata tayo matatapos sa usaping Manny Pacquiao - ABS CBN o Solar Sports at GMA 7. Meron kaming nakalap na balita mula sa isa naming Pusang Gala tungkol sa drama sa likod ng nababalitaan natin sa ngayon.
Bilang umpisa, tatanungin ko kayo? Naniniwala ba kayo sa sinabi ni Manny na diniktahan siya ng mga abogado ng Dos kung ano ang sasabihin sa interview niya na napanood natin sa TV Patrol World?
Ayon sa aming Pusang Gala na nagbalita dito sa Siete Contra Dos, walang dudang si Manny daw ang nagsinungaling at talagang inilaglag niya ang ABS CBN sa usaping ito. Totoo daw na may nangyaring negosasyon at sinubok din ng Dos na masulot si Manny pero bigla na lang daw nagbago ang isip ni Manny at bumaligtad nga nang hindi inaasahan.
Hindi raw masaya si Manny sa kanyang home network na GMA 7. Marami siyang hinaing o reklamo sa Siete. Nakuhanan daw sa camera ang lahat ng ito pero unethical naman daw kung ipapalabas. Isa sa ikinakasama ni Manny ay parang "kulang ang suporta ng Siete sa pagpo-promote ng kanyang laban". Sa katunayan ay mas nagbibigay pa raw ng importansiya ang Dos sa laban na ito.
Kung ang akala ng publiko at ang Siete Contra Dos ay nagulat na lamang ang Solar Sports at GMA 7 nang ilabas ang interview ni Manny sa TV Patrol, hindi raw ito totoo dahil nagpaalam o nagpasabi na raw si Manny sa kanila bago pa man lumabas ang video.
Nag-umpisa ang lahat bago tumulak si Manny sa London at Manchester sa UK. Nagpadala ang kampo ng boksingero sa pamamagitan ng kanyang mga abogado ng feelers para sa kagustuhan nilang lumipat ng network. Sa katunayan daw ay nag-provide ang abogado ni Manny ng kopya ng kontrata nito sa Solar Sports at GMA 7. Gusto daw kasi ng kampo ni Manny na pag-aralan ng mga abogado ng Dos ang mga nasabing kontrata. Gusto nilang malaman kung may mga butas ba ito na pwedeng ground para i-terminate ang mga kontratang ito upang sa gayon ay makalipat sila ng network.
Ang usapang ito ay sa pagitan lang ng Solar Sports at si Manny dahil hindi naman hawak ng GMA 7 ang kanyang boxing career.
Habang nasa UK si Manny ay napagdesisyunan nga raw niya na sa Dos na ipapalabas ang laban niya kay Ricky Hatton. In fact, nauna raw ang HBO na kinunsider ng kampo ng boksingero.
Ayon sa aming Pusang Gala, wala raw nakita ang mga abogado ng Dos upang ipasawalang bisa ang kontrata ni Manny sa Solar Sports. Dahil si Manny nga naman daw ang lumipat sa Dos at alam naman ng pamunuan na malaking pera din ang iaakyat ni Manny sa istasyon, sino naman daw sila para tumanggi sa grasya lalo na at panahon ngayon ng krisis?
Dahil walang grounds for termination, iminungkahi nga raw kay Pacquiao na bilhin na lang ang kontrata sa Solar. Legally, pwede itong i-buy out basta magkasundo sila sa presyo. As expected, nagpaalam ang kampo ni Pacquiao sa Solar at sa GMA pero nagulat sila na malaki pala ang babayaran ni Manny para ma-buy out ang kontrata. Sa katunayan, mas malaki pa ang ibabayad niya kaysa kikitain sa laban. Idagdag pa daw dito ang mga babayaran niya sa GMA kapag sila naman ang maghabol sa pinirmahan niyang kontrata.
Sinigurado daw ng Dos na desidido talaga si Manny na lumipat sa kanila kaya nag-offer din sila ng porsiyentong babayaran para sa mangyayaring buy out. Willing daw ang Lopez-owned network na makihati sa bayarin. Ilang beses daw nilang tinanong si Manny at nakita nila na talagang desidido ito kaya sila nagtiwala. Kaya naman daw pinadalhan siya ng script sa sasabihin nga niya sa kanyang interview. Ilang beses daw nagpabalik-balik ang script kay Manny, sa lawyer niya, at sa Dos dahil marami daw binago ang kampo ng una.
Ibig sabihin ay may consent si Manny sa sinabi niya sa TV Patrol. Sa katunayan, parang sariling salita na rin daw ng boksingero dahil yung original nilang script ay hindi na nasunod pa.
Pero dahil sa laki ng halaga na babayaran nina Manny sa Solar, napag-isipan daw nito na bakit pa siya magbabayad ng malaking halaga kung hindi niya naman kikitain. Kaya minabuti na lamang daw niya na ituloy ang kanyang kontrata sa Solar dahil kikita naman daw siya na hindi pa nagpapalabas ng kahit singko.
Nirespeto daw ito ng Dos kahit sabihin pa natin na napurnada ang kanilang pagsubok na masulot nga si Pacquiao. Ang rason na lang daw nila ay hindi naman daw sila ang lumapit kundi ang boksingero.
Ang ikinasama lang daw talaga ng loob nila ng husto ay ang pagsisinungaling nga ni Manny na diniktahan siya ng Dos sa mga sasabihin sa interview. Disappointed daw ang maraming personalities na malapit sa ABS CBN tulad na lang nina Noli de Castro, Lito atienza, Cojuangco at ilan pa na nag-pramis ng tulong para ikampanya si Pacquiao kapag tatakbo itong Congressman sa Saranggani.
Totoo din daw na nakapangako ang Dos na ipapahiram ang lahat ng mga artista nila kay Manny kapag tumakbo nga siya sa susunod na eleksiyon.
Bilang dagdag na balita, sa kontrata daw ni Manny sa GMA network may nakitang loophole ang mga abogado ng Dos at balak nga raw yata i-capitalize itong pag-uwi ni Manny mula sa kanyang laban.
Ano kaya ito? Hindi rin alam pa ng Siete Contra Dos kung ano nga iyon.