Dingdong Dantes, Gaganap na Fernando Jose ng Rosalinda?
Posibleng ang sikat at lalaking-lalaki ang dating na si Dingdong Dantes ang gaganap na Fernando Jose sa gagawing remake ng GMA 7 sa sikat din na Mexican soap na Rosalinda. Kung magkatotoo man ay si Dingdong ang unang-unang leading man ng gaganap na bida na si Carla Abellana, anak ng dating 80's star na si Rey PJ Abellana.
Ito ang tsika sa amin dito sa Siete Contra Dos ng aming kaibigan na nagsisilbing isa sa aming Pusang Gala. Ayon sa kanya, isa daw si Dingdong sa mga pinagpilian at posibleng sa kanya din daw ipagkakatiwala ang naturang role dahil balak daw muna ng network na pagpahingain pansamantala ang loveteam nina Dingdong at Marian Rivera.
Nabalita na nga na pansamantalang ibabalik si Marian sa isang soap na may temang pambata dahil aminado naman daw ang network na mas marami ang following ng aktres na mga young viewers kaya hwag na raw tayong magtaka kung ibigay din kay Marian ang role na Darna sa gagawin na Captain Barbell Meets Darna. Dahil dito kailangan mai-partner muna si Dingdong sa iba at ang best option nga raw ay ang Rosalinda.
"Kahit noon pa man ay isa naman si Dingdong sa mga male stars ng Siete na nagbinbinyag sa mga bagong alaga nilang babae. Hindi ba si Dingdong ang unang leading man ni Tanya Garcia nang lumipat ang dalaga mula sa Dos? Noong time ni Marian ay si Dingdong din ang kinuha kaya hindi malayo na si siya pa rin ang magiging first leading man ni Carla," sabi sa amin ng aming kausap.
Dahil bulung-bulungan pa lang sa pinagtatrabahuan ng aming Pusang Gala ang posibilidad na ito, tinanong din namin kung sino sa tingin niya ang bagay na Alex, ang lalaking kukupkop kay Rosalinda at ka-love triangle ng dalawang bida.
"Si Dennis Trillo!" Ito ang walang kaabog-abog na tinuran sa amin.
Gusto rin linawin ng aming kausap ang isyu na pilit ipinagkakalat daw ng mga kalaban na flop ang soap nina Marian at Dingdong na Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Aminado naman daw sila na mas mababa ang rating ng ABSHAT kaysa sa naunang soap ng dalawa na Dyesebel at Marimar pero hindi raw nangangahulugan na flop ito.
Ayon sa kanya, ang flop daw ay yung hindi na kumikita ang isang palabas at mas mataas pa ang expenses kaysa sa pumapasok na pera na never naman daw nangyari sa ABSHAT.
"Pakisabi na rin sa mga readers niyo na hwag masyadong abusuhin ang salitang flop," pagtataray pa niya. "Hindi naman nagkakalayo ang rating ng ABSHAT sa Tayong Dalawa na ibinabandera nilang pinakamalakas nilang soap sa ngayon. Kung halos pantay lang naman ang ratings ng dalawa, paano nila sasabihin na malakas ang sa kanila at ang ABSHAT naman ay flop, eh, parehas naman ang rating? Mas mataas pa nga ang ratings ng ABSHAT kaya hindi raw tama na gamitin itong taktika para ma-promote ang show nila."
Iyan ay hindi galing sa amin, huh, kundi galing sa isang taong nagsisilbi naming Pusang Gala.
Pero mukhang magandang tambalan nga kung gagawin ng Kapuso network ang Carla -Dingdong-Dennis love triangle. Pero hindi kaya sila maubusan din ng leading man dahil nasa iisang show lang ang dalawang pambato ng network kung magkatotoo ito?
Ano sa tingin niyo?
NOTE: Isa rin si Dingdong sa hindi madamot na nagpahayag ng kanyang nalalaman sa naisulat ng PEP na umano'y gulo nina Richard Gutierrez at Michael Flores. Ayon kay Dingdong, imposible daw may mangyaring gulo na sangkot si Richard kasi kasama niya ang bida ng Zorro ng gabing iyon. Nauna daw umuwi sina Michael na naging kasamahan niya sa TGIS at naiwan pa sila nina Richard.