Teri Onor, Dinakip Habang Nagtatalumpati
Kung pinagpipiyestahan ngayon ang balitang pagkakakulong ni Andrew Wolff sa Boracay, tahimik naman ang naganap na pagkakadakip sa comedian at dating host ng Eat Bulaga na ngayon ay bise mayor ng Abucay, Bataan na si Teri Onor.
Matagal nang balita at kinumpirma ni Teri, o Dexter Dominguez sa tunay na buhay, sa telebisyon na nagkaroon nga siya ng problema sa pera dahil sa naging negosyo niya noon na pabango. Tumalbog yata ang mga tseke niya sa mga taong pinagkakautangan kaya matagal din na panahon na ito ang dahilan ng banta sa kanya upang makulong kung hindi agad maayos.
Inamin dati ni Teri sa telebisyon na sinisikap naman niyang mabayaran at maayos ang lahat ng gulong kinakasangkutan. Wala naman daw siyang planong takasan ang mga ito.
Pero iba pa pala ang dahilan ng kanyang pagkakadakip dahil nag-ugat ito sa mga librong in-order para sa mga bata sa Abucay na hindi nabayaran. Umabot daw ng kalahating milyon ang halaga ng mga textbooks na hindi binayaran.
Opo, nakulong si Teri dahil sa paglilingkod sa kanyang bayan.
Pero nakakagulat dahil habang nagde-deliver ng inspirational speech sa isang graduation ceremony itong si Teri sa Abucay ay agad siyang dinakip ng mga pulisya mula Pasig City kung saan nakasampa ang kanyang mga kaso. Nakakalungkot dahil ano na lang ang tingin sa kanya ng mga estudyante na pinilit niyang bigyan ng inspirasyon.
Pansamantalang nakalaya na si Teri dahil sa piyansa pero nangyari na ang lahat at aminin man natin o hindi, isa itong lamat sa kanyang pangalan bilang artista at pulitiko.
Sinabi naman ng mga arresting officers na hinintay daw nilang matapos magtalumpati itong si Teri bago dinakip. Sumama daw siya ng walang pagtutol.
Meron din daw palabas si Terri sa USA sa darating na araw pero hindi alam ng Siete Contra Dos kung ito ay maapektuhan.