Tinitira ba si Marian Rivera dahil Sikat o Dahil Walang Kapit sa Showbiz?
Kung nakakamatay lang ang mga negative write ups ay hindi lang patay na ngayon si Marian Rivera kundi chop-chop lady na siya dahil parang kabute na nagsusulputan ang mga negatibong write up sa kanya. Paborito nga naman siyang gawan ng intriga ng ilang mga manunulat na halatang may personal na interes dahil yung mga writers na ito ay personal naman na kakilala o kaibigan ng isang reporter din na nagpahayag ng pagka-disgusto kay Marian. Sa totoo lang ay awang-awa na kami dito sa Siete Contra Dos sa dalaga dahil sa dami ng mga batikos na kanyang tinatanggap. Ngayon, naiintindihan niyo na ba kung bakit ang mga sikat na artista kahit saang bansa, Hollywood man o sa Pinas lang, ay nakakarinig tayo ng mga balita tungkol sa kanilang depression, pag-overdose sa mga sleeping pills or any medicine related to stress?
Ilan na bang suicide ang nabalitaan natin ng mga sikat na personalities na nai-connect sa depression at breakdown? Marami na. Nagawa na nila ang mga bagay na ganito dahil sa hindi na nila nakayanan ang sitwasyon na nag-udyok sa kanila para gawin ito.
Hindi sinasabi ng Siete Contra Dos na gagawin ito ni Marian pero hindi malayong mangyari kung mahina lang siya. Mabuti na lamang at mukhang matatag naman ang dalaga. Ngayon kung itatanong ninyo kung bakit ko inahalintulad si Marian sa mga sikat na celebrities na ito, itoý sapagkat walang dudang sikat si Marian. Aminin man natin o hindi, hindi magiging paksa ang isang tao ng mga write ups o usapan kung hindi siya kilala. Di ba, pinag-uusapan lang natin ang mga bagay na mayroon tayong interes?
Pagkatapos unti-unting humuhupa ang mga negative issues tungkol kay Marian ay nagsisimula na namang maglabasan ang mga blind items na nagsasabing bumabalik daw sa "masamang ugali" ang aktres. Nagtataray na naman daw ito. Bakit ngayon lang lumalabas ang mga ito kung kailan matagal nang sikat ang dalaga? Bago naman narating ni Marian ang kanyang estado sa ngayon ay nasa showbiz na siya ng halos tatlong taon. Ang tanong ko, bakit sa tatlong taon na ito ay hindi nila tinira ang aktres considering na kilala na naman na siya sa telebisyon dahil lumabas na siya sa Kung Mamahalin mo Lang Ako, Agawin mo man ang Lahat, Muli at Super Twins. Kaya dito sa Siete Contra Dos, nagtatanong talaga kami sa tunay na motibo ng mga writers na ito. Kasi naman kung ganyan na maldita na pala si Marian sa totoong buhay, bakit hindi natin narinig ang mga kuwentong ito noong unang taon ng kanyang kasikatan? Bakit bigla na lang sila nagsulputan na kung kailan na siya matagal na sikat?
Marahil ilan sa inyo ang nagtatanong kung bakit namin ipinagtatanggol si Marian. Hindi kami kilala ni Marian pero na-obserbahan ko na siya minsan noong bago pa lamang siya. Hindi ako sikat na tao pero nakatuntong lang kahit paano sa mga pinupuntahan o pinagtatrabahuan ng ating mga artista. Isa rin sa mga kaibigan ko ang personal nang nakatrabaho ang dalaga at pati siya ay nagtataka dahil hindi naman daw niya nakitaan ng kagaspangan ng ugali ang dalaga.
Dapat nga tayo ang tumutulong sa mga ordinaryong tao na nakapasok sa telebisyon kahit walang kapit, walang magulang o kapatid sa showbiz, walang manager na malakas ang impluwensiya at walang may hawak sa kanila na grupo ng mga reporter. Ganito si Marian Rivera. Pumasok siya sa showbiz bilang ordinaryong tao. Wal siyang kamag-anak sa industriyang ito, walang kaibigang reporter ang mga magulang, at may manager na hindi maimpluwensiya.
Kung si Marian ba ay anak ng isang sikat na artista o may nanay na maimpluwensiyang writer o manager, iba kaya ang magiging kwento sa kanya? Kawawa ang mga ordinaryong tao dahil sa pulitika sa showbiz.
Itong pakiusap ng Siete Contra Dos ay hindi lamang para kay Marian kundi para sa lahat ng mga artista na walang kapit o koneksiyon.